Makakasama na ng 18-anyos na Grade 12 student sa kulungan ang kanyang bibisitahin lamang sana na bilanggo matapos arestuhin ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 4 dahil sa tangkang pagpuslit ng marijuana, kahapon nang umaga.

Sinampahan ng kasong paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Justine Ramos, ng Sta. Mesa, Maynila.

Nabatid na dakong alas-11:40 ng umaga nang magsagawa ng inspeksiyon sina PO3 Avelino Guibao Jr. at PO1 Joy Lyn Layugan sa mga dalaw ng preso sa nabanggit na himpilan ng pulisya.

Nang kapkapan ang mga dalaw nakuha sa suspek ang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P100 at nakabalot sa isang pad paper.

Dito na umano pinigil ang suspek at dinala sa investigation room para sa kaukulang disposisyon.