Grade 2 pupil hinalay, pinatay sa kampo santo

tugis-edison-reyes

Ang hindi batid ni Ai-Ai, kalat na sa buong barangay ng Tugatog ang ginawa niyang krimen kaya bukod sa mga tumu-TUGIS na kapulisan, hinabol din siya ng kalalakihan sa lugar at nang abutan ay kinuyog at pinagtulungang gulpihin.

Kung hindi sa mabilis na pamamagitan ng mga rumespondeng pulis, ma­lamang na tuluyang nalamog sa gulpi si Ai-Ai na posible niyang ikinasawi bunga ng dami ng suntok at tadyak na kanyang tinamo mula sa mga galit na galit na kalalakihan sa naturang barangay.

Kaagad naman siyang binasahan ng kanyang karapatan sa ilalim ng umiiral na batas o Miranda doctrine ni PO1 John Francis Mercado sa katagang kanyang madaling maunawaan bago siya isinailalim sa pagkadakip.

Bago dalhin sa punong himpilan ng Malabon police, dinala muna ang suspek sa Pagamutang Bayan ng Malabon upang isailalim sa pagsusuri o medical examination na isa sa mga umiiral na panuntunan sa wastong pagdakip sa taong pinag­hihinalaang nakagawa ng krimen.

Habang isinasagawa naman ng mga tauhan ni Senior Insp. Gordovez ang pag-TUGIS sa suspek, isa-isa namang kinalap nina Insp. Paul Dennis Javier, ang hepe ng SIDMB, ang mga saksi sa karumal-dumal na krimen, kabilang na rito ang mismong ina ng biktimang si Ela na si Marilou Ramos, ang 40-anyos na si Christina Agulay, ang dalawang tanod ng Barangay Tugatog na sina Constancio Cinco, Jr. 39 at Christopher Batac 36, ang mismong kaibigan at kainuman ni Ai-Ai na si Marlon Santiago, 16, at ang operator ng close circuit television (CCTV) camera ng Barangay Tugatog na si Richmond Tisbe, 28.

Sa pahayag ni Marilou Ramos kay PO2 Maria Theresa Dagman ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD), sinabi niya na kilalang-kilala niya ang kanyang kumpareng si Ai-Ai at malapit ito sa kanilang pamilya dahil ninong nito ang isa sa kanyang mga anak.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Marilou na bago natagpuan ang bangkay ng kanyang anak, nagtungo sa kanilang bahay sa 87 Acero St., Barangay Tugatog si Ai-Ai ng mga bandang alas-9:30 nang gabi ng Oktubre 21, 2016 at hinahanap ang kanyang anak na si Ela.

Napansin na aniya niya na may bahid ng dugo ang suot na short pants ng kanyang kumpare at kaagad din itong lumisan nang sabihin niya na wala pa ang kanyang anak. Dito na aniya siya kinabahan kaya dali-dali siyang lumabas ng bahay upang hanapin ang kanyang anak.

Nang imbitahan naman sa tanggapan ng Malabon police WCPD ang 16-anyos na si Marlon Santiago, ang pedicab driver na kaibigan at kainuman ni Ai-Ai, sinamahan siya ng kanyang inang si Mina Santiago dahil sa pagiging menor-de-edad.

Sa harap ng kanyang ina, inihayag ni Marlon kay PO3 Dagman na pasado alas-otso nang gabi noong Oktubre 21, 2016, nasa tindahan siya sa kanilang lugar nang makita niya si Ai-Ai na inabutan ng piso ang biktimang si Ela. Nakasuot ng pu­ting sando at short pants si Ai-Ai habang kausap at binibigyan ng piso ang bata.