Kritikal ang isang 8-anyos na batang babae matapos lamunin ng gilingan ng mais makaraang sumabit ang buhok nito sa nakabukas na gilingan, Biyernes ng hapon sa Quezon, Bukidnon.

Ang biktimang ‘di na muna pinangalanan ay isang Grade 2 student.
Sa ngayon ay magang-maga ang pisngi nito, natuklap ang buong anit at nadurog pa ang mga buto sa paa.

Ayon sa report, pauwi na galing sa paaralan ang biktima nang makaramdam umano ng pagkauhaw at nakita ang isang hose ng tubig kaya binuksan ito at nakiinom subalit bigla umanong umandar ang gilingan ng mais at aksidenteng nahigop ang kanyang buhok at iba pang parte ng katawan.

Nasagip lang ang biktima nang magsisigaw ito at masaklolohan ng isang trabahador ng gilingan.

Kasalukuyang naka-confine sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City ang bata na nakabenda ang buong katawan.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung may nanadya sa sinapit ng bata. (Vick Aquino)