Grade 6 sugatan sa ligaw na bala

gun-and-bullet

Tinamaan ng ligaw na bala ang isang grade 6 pupil habang pinapanood ang dalawang grupo ng mga kabataan na nagrarambulan sa isang overpass sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Isinugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si John Michael Uba, 11-anyos, estudyante ng Amado Elementary School at residente ng Tambakol St., Happy Land, Tondo, Maynila, na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang hita.

Ayon kay Supt. Redentor Ulsano, hepe ng Manila Police District-Station 1, nangyari ang rambulan dakong alas-10:45 ng gabi sa harapan ng 2Go Shipping Lines sa Road 10, Tondo kung saan nakatayo lang ang biktima at pinapanood ang gang war sa isang overpass sa naturang lugar.

Nagulat pa umano ang biktima nang maramdamang namamanhid ang kanyang tuhod hanggang sa tuluyan na siyang napaupo matapos makarinig ng putok ng baril.

Nakita ng mga opisyal ng barangay ang pangyayari kaya sinaklolohan ang biktima habang nagtakbuhan naman ang mga kabataang nagrarambulan.