Isang 13-anyos na grade 8 pupil ang napisak habang naglalaro ng skateboard kasama ng kanyang mga kaibigang bata nang mahagip at muli pang atrasan ng 18 wheeler truck sa Lungsod ng Malabon kamakalawa ng gabi.
Agad na namatay ang biktimang si Jeriemy Matias, residente ng Governor Pascual Avenue, Barangay Tinajeros ng nasabing lungsod dahil sa mga tinamong malubhang pinsala sa ulo at buong katawan.
Sa ulat ng Malabon City Police partikular ni PO2 Diana Palmones, ganap umanong alas-nuwebe ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Governor Pascual at Araneta Avenue, Barangay Potrero ng nasabi pa ring lungsod.
Kasalukuyan umano noong nakikipaglaro sa kanyang mga kapwa skateboarders ang biktima habang nagjo-joyride sa kanyang skateboard nang mahagip ng nasabing truck na may plakang RJB 459 at minamaneho ng suspek na si Roger Reyes, 45-anyos, ng Santos Teodoro, Tondo, Lungsod ng Maynila.
Pumailalim umano ang biktima sa truck at agad ding inalarma ng mga kalaro ng biktima ang driver ng truck na mabilis namang inihinto ang sasakyan at bumaba. Ayon pa sa mga kasamahang skateboarders ng biktima, sinilip pa ng suspek ang binatilyo at nang makitang buhay pa ay muli itong bumalik sa kanyang truck at inatrasan pa umano ang namimilipit na sa sakit na biktima na tuluyan na ring nasawi nang muling magulungan ng truck.
Nagtangka pa umanong tumakas ang suspek ngunit naagapang habulin ng mga kasama ng biktima at iba pang mga residente sa lugar.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Malabon City detention cell ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong murder.
Hindi naman napigil ng mga kaanak ng biktima ang matinding galit at kinuyog ang suspek nang makita. Inaresto rin ang ilan sa mga ito matapos na hindi magpaawat sa pulisya sa pananakit sa suspek.