Matinding trauma ang inabot ng isang grade 9 pupil matapos umanong tangkaing halayin ng kanilang lasing na kapitbahay sa Navotas City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ni PO1 Grealia B. Allit ng Navotas City Police-Women and Children Protection Desk (WCPD), alas-dos ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa bahay ng biktimang itinago sa pangalang ‘Annie’, 15-anyos, grade 9 sa Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabing lungsod.

Natutulog umano ang biktima sa kanyang silid nang pasukin ng suspek na nakilalang si Raynaldo Naadat, 45, may-asawa, kapitbahay ng biktima.

Pinaghahawakan umano ng suspek ang biktima sa maseselang bahagi ng katawan nito ngunit naalimpungatan ang dalagita kaya itinulak ang suspek saka kumaripas ng takbo patungo sa silid ng kanyang ina.

Nang balikan ang suspek kasama ang ina ay wala na ito kaya humingi ng saklolo sa kanilang barangay na nauwi sa agarang pagkakahuli sa suspek.