Armida Rico

‘Di na matutupad pa ang pangarap ng isang binata na maging pulis nang pagbabarilin ng isang lalaki kahapon sa Pasay City.

Hindi na umabot ng buhay sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si John Ray Tolentino, graduating sa kursong criminology makaraang magtamo ng dalawang bala sa mukha mula sa ‘di pa batid na kalibre ng baril.

Pinaghahanap naman ngayon ng Pasay City Police ang suspek na si Toto Marcelino, nasa hustong gulang, taga-400 Sgt. Mariano St. Brgy. 148, Zone 16 ng nabanggit na lungsod.

Sa report ni P/Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, alas-11:55 ng umaga nang maganap ang insidente sa kanto ng Guiho at Guyabano St., Brgy. 187.

Habang nakatayo at nagti-text ang biktima ay biglang sumulpot si Marcelino sa harapan nito at walang sabi-sabing binaril sa mukha.

Ayon kay Police Col. Yang, bago ang pamamaslang sa biktima ay nagtalo ang biktima at nakakabatang kapatid ng suspek kaya hinalang niresbakan nito ang biktima.