Graft, falsification vs mag-amang Binay, tuloy sa Sandigan

Tuloy ang kasong graft at falsification of public documents laban kina dating Vice President Jejomar Binay at anak na si da­ting Makati City ­Mayor Junjun Binay matapos ibasura kahapon ng Sandiganbayan ang kanilang inihaing motion to quash.

Ang kaso ay may kaugnay sa pagpapatayo ng P1.35B Makati Science High School.

Sa desisyon ng Sandiganbayan 5th Division iginiit nito na may batayan ang isinampang kaso ng Ombudsman laban sa mag-ama.

Sa kanilang mos­yon, sinabi ng mga Binay na walang sapat na ebidensiya na iprinisinta ang prosekus­yon upang pumasok sa graft ang kaso, iginiit nito na ang procurement process sa nasabing kontrata ay hindi nila hawak.

“For now, whether­ the Binays carried out their functions in accordance with the law is not relevant. As these are extrinsic to the Informations, these are not proper issues for resolution in a motion to quash,” nakasaad sa desisyon.

Isinantabi din ng Sandiganbayan ang punto ng mga Binay na nagkaroon na ng double­ jeopardy sa kaso.

Nag-ugat ang kaso sa paggawad ng kontrata para sa architectural at engineerin­g services ng Makati Science High school building sa Infiniti Architectural Works nang walang public bidding at idinaan lamang ito sa negotiated contract.

Gayundin ang paggawad sa Hilmar Cons­truction ng kontrata para sa konstruksiyon ng phase 4 na idinaan lamamg umano sa si­mulated o kunwaring bidding.