Nahaharap sa kasong graft si Danilo Uykieng, acting director ng Mines and Geoscience Bureau (MGB), matapos magsampa ang apat na magsasakang residente ng Sta. Cruz, Zambales dahil sa pagpabor niya diumano sa mga pribadong minahan noong siya ang MGB Region 3 director mula 2011 hanggang 2015.
Sa reklamo sa Office of the Ombudsman, inakusahan ng mga magsasaka si Uykieng ng pagpapabaya sa tungkulin nang hayaan ang mga kumpanya ng minahan na magsagawa ng “strip mining” na sumira sa kabundukan at sakahan ng Sta. Cruz.
Ayon sa sakdal nina Eduardo Ravana, Marciano Bucat, Efren Misoles at Anselma Corpuz, hindi umano ipinatupad ni Uykieng, bilang MGB Region 3 director ang mga opisyal na aksyon ng pamahalaang panlalawigan at suspension order ng Environment and Natural Resources of Zambales (ENROZ) sa mga pribadong kumpanyang minahan.
Wala umanong ginawa si Uykieng upang mapigil ang pagwasak sa kapaligiran at tulungan ang mga apektadong magsasaka, ayon sa complainant na nagsalita sa pamamagitan ng kanilang abogadong si Mark John Melgrito ng Reyes Esguerra Baluyut & Benitez Law Offices.
Ayon sa sakdal, lumiham ang Concerned Citizens of Sta. Cruz (CCOS) at Tricycle Operators and Drivers Association of Sta. Cruz sa pamahalaang panlalawigan upang ipaaalam ang masamang epekto ng pagmimina.
Ngunit nagsawalang bahala diumano si Uykieng bagaman alam niya na pagsapit ng tag-ulan, sisirain ng ulan ang maraming bukurin at ilog dahil sa matinding baha at pag-agos ng putik na nagtataglay ng nakakalasong metal.
Binanggit din sa reklamo ang paper trail ng mga aksyon na isinagawa ng Sangguniang Panlalawigan ng Zambales, ENROZ, at Provincial Assessment Team of Zambales na kumukumpirma sa pagkasira ng kapaligiran dahil sa operasyon ng mga minahan.