Granada, baril nakumpiska sa pekeng cop

Di umubra ang gimik ng isang pekeng pulis na nagpanggap pang ahente ng Philippine National Police- Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) matapos itong maaresto linggo ng gabi sa Toledo City, Cebu.

Kinilala ni Police Brig. General Ronald Lee, hepe ng IMEG, ang dinakip na suspek na si Ruel Abella, 33, gayundin ang kapitbahay nitong 16-anyos na binatilyo, kapwa residente ng Barangay Canlumampao ng lungsod na ito.

Nakuha kay Abella ang isang kalibre .45 na may pitong bala gayundin ang isang granada. Nakuhanan naman ng 2-sachet ng shabu ang 16-anyos na binatilyong kasama nito.

Sa ulat, nadakip ang mga suspek dakong alas-11:50 ng gabi nitong Linggo matapos magsagawa ng operation ang pulisya hinggil sa pagpapakilala umano nitong miyembro ng IMEG na nakadestino sa Visayas Field Unit.

“We got a complaint that the suspect questioned the legality of the local police’s conduct of Oplan Katok and bravely introduced himself as an IMEG Visayas Field Unit member and even showed his identification card,” pahayag ni Lee.

Matapos makumpirma na pekeng pulis ang suspek ay agad nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng IMEG at mga tauhan ng Police Regional Office (PRO) 7 at nilusob ang bahay nito.

Inabutan ng awtoridad ang suspek na si Abella sa loob ng bahay nito gayundin ang 16-anyos na nagtangka pang tumakas sa awtoridad.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng IMEG Cebu ang naarestong suspek gayundin ang menor de edad nitong kasama para sa tamang desposisyon ng kaso. (Edwin Balasa)