Granada nahukay sa construction site

Isang granada ang nahukay sa isang construction site sa Makati City kahapon nang hapon.

Sa ulat ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ala-1:20 nang hapon nang madiskubre ang isang uri ng pampasabog sa isang construction site sa Lower Azucena St., Brgy. Pembo.

Mabilis na ini-report ni Eduardo Ormatam ang naturang insidente sa mga awtoridad.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Explosives Ordnance Division (EOD) sa lugar na nagsagawa ng Render Safe Procedure at maingat na narekober ang isang corroded fragmentation hand grenade na walang fuze assembly.

Dinala ang granada sa tanggapan ng EOD para sa safe keeping. (Armida Rico)