Basag ang bungo at lasog ang katawan ng isang granite installer nang mawala ito sa panimbang at mahulog mula sa ika-15 palapag habang winawasak nito ang mga granite stone na nakakabit sa isang five star hotel sa Pasay City kahapon.

Base sa report ni Police Colonel Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, nakilala ang biktimang si Rei Roble, 50-anyos, ng Pasay.

Ayon sa report na natanggap ni Flores, base sa pahayag ng saksing si Michael Aguilar, naganap ang insidente ala-1:33 ng hapon sa West Wing Roofdeck ng Marriot Hotel sa Resort Drive, Barangay 183, Villamor ng nabanggit na lungsod.

Habang winawasak nito mula sa ika-15 palapag ang nakakabit na granite stone sa nabanggit na hotel ay na-out of balance ito dahilan upang mahulog ito at bumagsak sa ground floor ng hotel na siya niyang agarang ikinasawi.

Patuloy ngayong iniim­bestigahan ng pulisya ang insidente at inaalam na rin kung may pag­labag ang naturang ­establisimyento sa safety measure.

Ang labi ng biktima ay pansamantalang ini­lagak sa Veronica Funeral Homes upang isa­ilalim sa awtopsiya habang inaalam din kung may naganap na foul play.