
Mga laro mamaya (Nouhad Nawfal Stadium)
6:30 p.m. — Chinese Taipei vs. Japan
9:00 p.m. — Australia vs. Hong Kong
11:30 p.m. — South Korea vs. Kazakhstan
2:00 a.m. — New Zealand vs. Lebanon
Naglaho ang 17-point lead ng Gilas Pilipinas na tatlong beses naitulos sa second quarter, pero kinamada ni Terrence Romeo ang walo sa pamatay na 12-0 run sa final 4 minutes at niyanig kagabi ng mga Pinoy ang Nouhad Nawfal Stadium sa Beirut, Lebanon nang itakbo ang 96-87 pagtibag sa defending champion China.
Malaking isda ang nabingwit ng Nationals sa opening game nila sa FIBA Asia Cup 2017.
Wala si naturalized player Andray Blatche, may calf musle injury ang nasa sideline lang na si June Mar Fajardo at disqualified pa si Calvin Abueva sa 2:27 pa ng opening quarter, pero buo ang loob na sumagupa sa Great Wall ang Filipinos.
Nabigyan ng disqualifying foul si Abueva sa second motion niya nang i-head-butt si Li Gen na unang sumuntok sa kanya.
Naiganti ng Nationals ang 78-67 loss sa Chinese sa gold medal match sa parehong torneo dalawang taon na ang nakalilipas sa Changsha-Hunan.
Binanta ng Filipino quintet ang blowout game sa pagposte ng 38-21, 44-27 at 52-35 mula sa 3-point play ni Raymond Almazan, layup ni Jayson William Castro at fade away jumper ni Chris Standhardinger.
Pero hindi basta na lang nagtaas ng white flag ang Chinese, dumikit sa 70-76 sa rolyo ng third stanza sa paulan ng mga triples, at nasikwat pa ang manibela, 87-84, sa basket ni 6-foot-3 guard Dehao Yu sa nalalabing 3:58.
Sinimulan pagkaraan ni Romeo ang kinayod na walong sunod na puntos sa 12-0 blast ng mga Pinoy, inumpisahan ng trey niya para sa 87-all, jumper at isa pang triple para sa 92-87 bago ang panapos na basket nina Fil-German Standhardinger at Matthew Wright para sa final tally.
Top scorer sa Gilas si Romeo sa binayo na 26 points tampok ang limang 3s, 4 assists at 1 steal. Ang pumalit kay Blatche na si Standhardinger ay may 15 points at 6 rebounds, naka-13 points at seven assists si Castro, at may 12 markers si Wright. Limang tira ang binura ni Japeth Aguilar na umayuda ng 7 points.
Nakasiyam na puntos si Almazan kasama ang dalawang dunk sa mga higante ng China, naka-9 din si Roger Pogoy.
Kasama ng Pilipinas at China sa Group B ang Qatar at Iraq.
Sakaling mawalis ng mga Pinoy ang preliminary sa kinalalagyang pangkat makakaiwas ito na makasalpukan agad ang powerhouse Australia sa early stage ng knockout phase simula sa quarterfinals.
Unang tagumpay ito ng world No. 27 Nationals sa no. 14 Asian power team pagkalipas ng bronze game noong 2014 FIBA Asia Challenge sa China, 80-79.
Sunod sa daan ng Phil. squad ang no. 92 Iraq bukas ng alas-nuwebe ng gabi.
Ang iskor:
Philippines 96 — Romeo 26, Standhardinger 15, Castro 13, Wright 12, Pogoy 9, Almazan 9, Aguilar 7, Norwood 3, Abueva 2, Jalalon 0, Cruz 0.
China 87 — Guo 18, Zhou 17, Hu 13, Li, G. 11, Liu 9, Wu 6, Han 4, Ren 4, Gu 3, Yu 2, Zeng 0, Li, M. 0,
Quarters: 26-16, 53-39, 76-60, 96-87.