Pitong teams ang pare-parehong nagsabing De La Salle ang team to beat sa pagbubukas ng Season 79 ng UAAP men’s basketball tournament sa darating na Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

“Maraming expectations sa team namin, but pressure opens up opportunities,” tugon ni Green Archers coach Aldin Ayo sa naganap na press conference sa Novotel sa Cubao kahapon. “Pressure also motivates us.”

Maugong ang pambato ng La Salle na si Ben Mbala dahil sa halimaw kung maglaro sa loob ng court at makikilatis ang kanyang tikas pagharap nila sa defending champion Far Eastern University Tamaraws sa Miyerkules.

“Team to beat samin ang FEU kasi sila ‘yung defending champion,” ani Ayo.

Bukod sa DLSU at FEU, isa rin sa malakas ang tsansang sumampa sa Final Four ay ang National University dahil sa kanilang solidong line-up.

Ibabandera ng Bulldogs sina Alfred Aroga at J-Jay Alejandro para tapatan ang mga matitigas na players ng Green Archers at Tamaraws.

Sa darating na Sabado ang opening ceremonies na gaganapin sa UST grounds.

Unang laro sa Linggo ang University of the Philippines laban sa Adamson sa first game (2 p.m.) sunod ang last year’s runner-up University of Santo Tomas kontra Ateneo sa alas-kuwatro ng hapon.