Green Cross alcohol lumobo ang presyo

Nag-umpisa nang magtaasan ang presyo ng mga alcohol sa groceries sa Muntinlupa nang mapaso na ang price freeze na idineklara ng Department of Trade and Industry (DTI) noong March 12.

Ang price freeze ay epektibo lamang sa loob ng 60 araw o mas maaga pa sakaling tanggalin ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinatupad ang nationwide price freeze nang magdeklara ng State of Public Health Emergency dahil sa COVID-19 outbreak na siyang dahilan sa paglockdown sa maraming lugar sa bansa.

Noong Sabado ay umakyat na sa P89.60 ang presyo ng 500 ml ng 70% Green Cross isopropyl alcohol sa Puregold Molito sa Muntinlupa na nasa P69 lamang nitong nakaraang mga buwan dahil sa price freeze.

Inisyu ng Food and Drug Administration ang FDA Circular 2020-005 na nagdedeklara ng price freeze sa mga gamot at medical supplies dahil sa pananalanta ng COVID19 sa bansa at ipinagbabawal nito ang pagbenta ng 70% ethyl alcohol na 500ml na higit pa sa P74.25 ang isa.

Sa Makati Supermarket sa Alabang Town Center sa Muntinlupa, P28.70 ang 150ml na Green Cross Ethyl Alcohol 70% Solution with moisturizer. Ang parehong 150 ml na Green Cross Ethyl Alcohol 70% Solution ay P28.10 naman sa South Supermarket sa Filinvest Alabang. Walang itinakdang presyo ang FDA para sa 150 ml na bote ng alcohol. Ang presyo para sa 60ml na bote nito ay hanggang P25.50 lamang at ang 250ml ay hanggang P41.75 lamang.

Ayon sa FDA Circular 2020-005, ang mga presyong itinakda ng FDA sa piling medical supplies ay mananatiling epektibo maliban na lang kung bawiin na ito o ipawalang bisa na. Ang kautusan ay pinirmahan ni FDA director general Rolando Enrique D. Domingo.

Nang nag-uumpisa pa lang kumalat ang COVID-19 sa bansa at hindi pa nagpapatupad ng enhanced community quarantine, nagkaubusan na ng alcohol kaya’t nilimita na sa 2 bote ang mabibili ng isang tao.
(Eileen Mencias)