Green, Warriors may adjustment sa Game 2

Green, Warriors may adjustment sa Game 2

Naunahan ng Toronto Raptors ang Golden State 118-109 sa Game 1 ng 73rd NBA 2018-19 Finals, pero ‘di pa natataranta ang Warriors.

“It’s first to four, not first to one,” giit ni Klay Thompson. “So, still a lot of basketball to be played.”

Game 2 ngayong araw sa Toronto pa rin, reresbak ang Warriors para itabla ang serye bago lumipat sa Oakland ang Games 3 at 4.

Komportable pa rin ang Golden­ State kahit naiiwan 1-0. Naipanalo ng Warriors ang 12 sunod na Game 1st bago natisod sa Raptors noong Huwebes. Hindi pa naghabol sa NBA Finals ang two-time defending champions­ sapul nang maungusan ng Cleveland 2-1 noong 2015.

Tinukoy ni coach Steve Kerr ang masagwang transition defense ng Warriors sa opener na nagresulta sa 24 fast break points ng Raptors. Mula sa 17 turnovers ng Golden State ay nangolekta rin ng 17 points ang Toronto.

“They were getting the ball off the rim and just pushing it. Instead of crashing as hard as we did, we’ll have to make the adjustment in Game 2 and try to send more guys back,” wika ni Kerr.

Si Pascal Siakam ang secret weapon ng Raptors sa opener, humaharabas sa transition tulad ng ginagawa ni Draymond Green sa Warriors. Pero mas epektibo si Siakam sa opener, tumapos ng 32 points kumpara kay Green na 2 of 9 lang sa field. (VE)