Greenhills, BGC iniwasan dahil sa virus

Nagmistulang ‘ghost town’ na ngayon ang Greenhills Shopping Complex sa San Juan dahil sa pagkakaroon ng isang carrier ng kinatatakutang COVID-19.

Kaya naman marami ang nadismaya at natakot sa balitang nagawang makapag-ikot sa Greenhills Mall ng isang positibo sa coronavirus na kung saan isang 62-anyos na matandang lalaki ang positibo sa sakit na nga­yon ay nasa pangangalaga na ng DOH-Research Institute for Tropical Medicine (RITM), maging ang mga kaanak nito.

Kaugnay nito, agad na ipinasara ni San Juan ­Mayor Francis Zamora ang sinasabing tinatambayan ng carrier na Muslim prayer room para i-disinfect, maging ang buong mall ay isinailalim na rin sa sanitation subalit walang balitang ‘lockdown’ o ipinasara ang buong mall.

Ayon naman kay Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan Police, na isinara ­lamang ang prayer room na kung saan doon nakikita ang carrier na taga-Cainta na tumatambay at hindi sarado ang mall.

Samantala, kinansela ang ilang aktibidades sa Bonifacio Global City (BGC) bunsod ng nakumpirmang COVID-19 carrier na nagtatrabaho sa Taguig-based Deloitte Philippines.

Kasama sa mga kinansela ang ‘My Sunday Dogpark’ sa De Jesus Oval; ‘My Sunday Bike Lanes’ sa 31st Street.