Greenhills hostage-taker kinasuhan na

Pormal nang kinasuhan ang security guard na nang-hostage ng mahigit 40 katao sa loob ng Virra mall sa Greenhills, San Juan.

Nahaharap ngayon sa patong-patong na kasong illegal possession of firearms, ammunition and explosives, serious illegal detention at frustrated murder ang guwardiyang si Alchie Paray, 40.

Isinampa ang mga kaso sa San Juan Prosecutors Office sa pamamahala ni Assistant City Prosecutor Esperanza Arceo-Paras alas-otso ng umaga kahapon.

Matatandaang tumagal ng mahigit walong oras ang naganap na hostage-taking kung saan nagawa pa ng suspek na magpa-press conference para mailabas sa mga media ang saloobin na pinahintulutan naman ni San Juan Mayor Francis Zamora.

Una nang naglabas ng sama ng loob ang hostage-taker na si Paray matapos sibakin bilang security guard ng nasabing mall kung saan ay pinagmalupitan umano siya ng kanyang mga superior. (Vick Aquino)