Hawak pa rin ng Ginebra si Greg Slaughter sa leeg.

May tender offer na ang Gin Kings kay Slaughter, ayon sa isang PBA insider.

Nakarating na aniya sa opisina ng liga ang kopya ng inihahaing kontrata.

Ang proseso sa mga ganitong kaso ay manggagaling sa team ang offer, ibibigay through mail o email sa player concerned o sa kanyang agent, bibigyan ng kopya ang PBA.

Nag-expire ang kontrata ng 7-foot slotman pagkatapos ng nagdaang season, binasag niya ang balita sa social media na magbabakasyon muna siya sa paglalaro.

“Ang nangyayari kasi diyan, ‘pag natapos na ang kontrata, player o agent ang lumalapit sa management saka pag-uusapan,” pahayag ni team governor Alfrancis Chua.

Sinabi naman ni coach Tim Cone na pagkatapos ng championship run nila sa Governors Cup ay isa-isa niyang kinausap ang mga player.

“He was saying three-to-four months,” Ani Cone sa pahayag noon ni Slaughter na magbabakasyon muna siya sa paglalaro.

Kung may offer nang kontrata kay Slaughter, ibig sabihin ay hawak pa rin ng Ginebra ang rights sa kanya.

Isang buwan ang taning ng pag-o-offer ng kontrata, kung walang dumating ay magiging unrestricted free agent ang player,
Sa kaso ni Slaughter, March 2 ang suma kung kailan siya magiging free agent na hindi na nakatali sa Gins.

Pero dahil may offer, nasa Gins pa rin ang rights. Ibig sabihin, hindi siya puwedeng bigyan ng offer ng ibang team. (Vladi Eduarte)