Maliban sa media na naghintay ng lampas walong oras para kay Floyd Mayweather, Jr, isa pa sa pasensyosang nasa Resorts World Manila ay ang TV host na si Gretchen Ho.
Nasa venue si Ho para mag-host sana sa event, pero bago ianunsyo ang pagkaantala nito ay naging katuwa-tuwa ang mga tweet ni Gretchen para na rin mapawi ang pagkabagot.
“Ready to host the presscon for #MayweatheratRWManila!!! Floyd Mayweather Jr will be here in 20 minutes!!” paunang tweet ng dating Ateneo volleyball star.
“Waiting for Money Mayweather!” sunod na saad ni Ho.
Ngunit ilang oras na ang nakalipas, ni anino ng undefeated American boxer ay hindi pa rin namataan sa venue.
“Waiting for Mayweather be like… 6 hours & counting. Nagpa-Belo, bumili ng LV, at rubbershoes muna raw!!!” tweet pa rin ng TV host.
Matapos nito ay kanyang kinuhanan ang mga media man na patuloy pa ring naghihintay.
“Magkakaramay sa pag-antay! We still alive!! Heard Money made a detour again.”
Matapos nito ay inanusyo na ng Resort’s World management na hindi na makakadalo si Mayweather sa press conference, walong oras matapos maghintay.
Kung may mapupulot man si Gretchen sa pangyayari, ito ay ang maikekwento niya ito sa magiging mga apo niya na minsan siyang dinedma ng legendary boxer.
“Now, I can tell my grandkids, I was once stood up by Floyd,” pawakas niyang tweet. (Ray Mark Patriarca)