Gretchen may hugot sa ABS-CBN closure

Dismayado at nalungkot si Kapamilya host at athlete Gretchen Ho matapos ipatigil ang operasyon ng ABS-CBN Corporation.

Nilabas noong Martes ang “cease and desist” order ang National Telecommunications Commission kontra sa nasabing television at radio network.

Sa social media idinaan ni Ho kahapon ang kanyang saloobin sa sinapit ng kompanyang pinagtatrabahuhan.

“Politicking during a pandemic is totally unaccpetable and inhumane,” isa sa mga tweet ng TV host at dating professional volleyball player.

Hinirit niya sa isa pang tweet, “I can’t believe this day has come. Truly unbelievable. Everybody, don’t forget. Never forget.”

Umeere sa ABS-CBN Sports and Action ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) kung saan dati ring naglaro si Ho para sa Ateneo Lady Eagles noong 208-13.

Pagka-graduate, nag-pro sa Philippine SuperLiga (PSL) ang 30-anyos na ngayong tsinitang dalaga sa paglalaro sa Petron Blaze Spikers noong 2013-15 saka nag-tv host na sa programang “Umagang Kay Ganda”.

“Para sa lahat ng atletang nabigyan ng mas magandang kinabukasan dahil sa inyong walang-sawang suporta, #MaramingSalamat ABSCBN,” hirit ni Ho.

Pinanapos niya kay ABS-CBN Corp. president at CEO Carlo Katigbak: “You can order us to cease and desist but you cannot silence our voices.” (Janiel Abby Toralba)