Ni: Allan Diones
Masaya ang mood ni Tita Annabelle Rama sa kanyang 67th birthday party at tuwang-tuwa siya na kumpleto ang pamilya niya at malalapit na kaibigan.
Pero hindi puwedeng hindi namin kunin ang reaksyon ni Tita Annabelle sa ginawa niyang pagsagot kay Gretchen Barretto sa pagtawag nitong ‘sawsawera’ sa unica hija niyang si Ruffa Gutierrez.
“Ayoko nang magsalita pa, kasi tumahimik naman siya (Gretchen), eh. Kung hindi siya tumahimik, mas mahaba pa ang sasabihin ko,” pakli ng birthday girl, na agad ding dinelete ang kanyang IG post na buwelta niya kay Greta in defense of Ruffa.
Kapansin-pansin ngang nanahimik na si Gretchen (na nasa Amerika) at wala na itong mga patutsada sa social media. May kinalaman ba siya sa biglang pagtahimik na ‘yon ni Greta?
“I don’t know. Ako, excited na akong lalaban, eh tumahimik na, wala akong magawa. Ha! Ha! Ha!” tawa ng Gutierrez matriarch na kumikislap ang mga alahas.
Eh ipinagtanggol lang naman niya si Ruffa, ‘di ba?
“Of course! Pinagtanggol ko lang ang anak ko kasi wala naman siyang masamang comment against anybody. Ang sabi lang niya, ‘Freshhhhhh,’ ‘di ba?”
Alam niya ba na ang daming natuwa nu’ng mag-join siya sa war of the Barrettos dahil kaabang-abang daw ang mga pasabog na puwede niyang ibato kay Gretchen?
“Wala na eh, tumahimik na, eh. Wala akong kaaway na.”
Ayaw na niya ng away, ganern? Ayaw na niya ng stress?
“Ayoko na. It’s not worth it. Pero ‘pag lalaban siya, continue pa rin ako. Hindi naman ako magpapa-under maski kanino, ‘no!”
‘Di ba, wala namang away sina Ruffa at Gretchen? Bakit biglang inaway ni Greta si Ruffa?
“Wala nga. Hindi ko alam kung bakit ‘Fresh’ lang ang sinabi ni Ruffa, nagagalit na siya. Kaibigan ko naman siya, eh. Mahal ko ‘yan, eh. Kaya hindi ko alam bakit nagalit siya.”
Darating ba si Marjorie Barretto sa birthday party niya? Inimbita niya ba?
“Ha! Ha! Hindi nga dumating, marami raw press! Ha! Ha! Ha! Sabi niya pupunta, pero hindi pumunta,” pakli pa ng may kaarawan.
Nakakatawa nu’ng mag-toast ng champagne si Ruffa para sa mommy niya roon sa party, tapos ay biglang humirit ang amiga ni Tita Annabelle na si Tita Daisy Romualdez ng, “Tirahin mo na si Gretchen, ‘Day!”
Ang lakas ng tawanan, pero behaved si Tita Annabelle at wala ito sa mood makipag-away.
Kasi nga ay quiet na si Greta at tumigil na sa kaliwa’t kanang patutsada nito sa social media.