NAIYAK si Raymond (dating ‘RS’) Francisco sa thank you speech niya bago ang final screening ng Bhoy Intsik sa Gateway Cineplex nu’ng Martes nang gabi.

Napaluha si Raymond nang banggitin niya ang nasirang si Direk Francis Pasion na kaibigan at direktor niya sa indie film na Bwaya na pinrodyus niya.

Feeling ng 2017 Si­nag Maynila Filmfest Best Actor ay star niya from above si Direk Francis.

Mas mahaba ang speech ni Raymond nu’ng gabing ‘yon dahil may mga nakalimutan siya sa acceptance speech niya nu’ng awards night.

Pagkatapos naming mapanood ang Bhoy Intsik ni Direk Joel Lamangan ay kumbinsido na ka­ming deserved ni Raymond ang kanyang first Best Actor award.

Hindi press release ‘yung sinabi niya nu’ng presscon na gustong itaas ng pelikula ang antas ng kabadingan na napapanood sa pelikula dahil BUSILAK at may mabuting loob ang karak­ter ni Bhoy Intsik kahit pa ilegal na gawain ang ikinabubuhay nito.

Walang kalaswaang eksena si Raymond sa pelikula. Kahit beki siya ay wala siyang nakatalik o nakahalikan man lang.

Ang lalaking mahal niya ay may-asawa na at madalas niyang dalhan ng pangkabuhayan showcase ang pamilya nito.

Ina ng Awa ang peg niya, na nagpapakain ng mahihirap na kabataan sa kapitbahay, tapos ay nag-ampon ng batang kalye na itinuring niyang parang tunay na anak.

Ang gusto namin kay Raymond ay sobrang na­tural lang niya sa pelikula at wala siyang ‘nanghihingi-ng-award-akting’ kaya mamahalin mo ang karakter niya.

Walang mga OA na kadramahan kaya mas epektib.

***

Gretchen Barretto
Gretchen Barretto

As usual ay ang husay rito ni Ronwaldo Martin, na ewan kung bakit hindi nanalong Best Supporting Actor.

BEST IN MURA talaga si bagets, na ang lutung-lutong kung magmura at jologs na jologs.

Mas malakas ang dating sa big screen ng younger brother ni Coco Martin kesa sa personal.

Kaya may mga beks na elya-elya kay Ron habang pinapanood ang mga eksena niya.

Ang sabi sa amin ni Raymond doon sa victory dinner after the screening, hindi nakanood ng Bhoy Intsik ang BFF niyang si Gretchen Barretto dahil napaka-busy nito, pero sobra itong proud sa kanya sa napanalunan niyang award.

Ngayong tapos na ang Sinag Maynila Filmfest ay isasali nila muna sa mga film festivals abroad ang Bhoy Intsik bago ito magkaroon ng commercial release sa ‘Pinas.

After his memorable indie film ay balik-mainstream si Raymond, na kasali sa cast ng bagong KathNiel movie na Can’t Help Falling in Love.