Mga laro sa Sabado: (Filoil Flying V Center, San Juan)
4:00 p.m. — UP vs. BaliPure
6:30 p.m. — Pocari Sweat vs. Power Smashers
Ramdam ng mga fans ang init ng labanan sa pagitan ng Creamline at BaliPure kung saan naglalagatukan ang paluan nina volleyball stars Alyssa Valdez at Grethcel Soltones sa loob ng court.
Kinapitan ng Cool Smashers si Valdez upang ilista ang 25-20, 28-30, 25-19, 31-29 panalo laban sa Water Defenders kahapon sa Premier Volleyball League Open Conference elims sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Humataw si national team member Valdez ng 37 points kasama ang 17 kills at dalawang service aces upang tulungan ang Cool Smashers na itarak ang pangalawang sunod na panalo at saluhan sa tuktok ng team standings ang defending champion Pocari Sweat na may tig 2-0 cards.
Pinilit ng Cool Smashers na kumalas sa fourth set matapos humataw ng 4-0 para hawakan ang three-point lead, 8-5 sa first technical timeout pero kumapit agad ang Water Defenders at naitabla nila sa iskor sa 10-All.
Dumaan sa butas ng karayom ang Cool Smashers sa set four, limang set point ang kanilang dinakma bago nakuha ang napakahirap na panalo.
“Very strong talaga ang BaliPure, pantay lang talaga kami breaks of the game lang talaga,” masayang saad ni three-time UAAP Most Valuable Player Valdez.
Pormang sisikwatin ng Creamline ang second set matapos nilang mauna sa set point 24-21, pero lumabas ang bangis ng Water Defenders para itabla sa 24-all ang iskor.
Nakipagsabayan ang BaliPure, nakuha nila sa tiyaga ang set 2 upang itabla sa tigisang set papasok ng set 3.
Nag-ambag sina Rosemarie Vargas at Pau Soriano ng 19 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Cool Smashers habang may tig-walo sina Rizza Mandapat at Ivy Remulla.
Walang naiambag si star setter Jia Morado sa puntos subalit nirehistro nito ang impresibong 71 excellent sets na naging dahilan upang makapalo sina Valdez, Vargas at Soriano.
“Si Jia (Morado) talaga ang nagle-lead sa amin kanina kaya masaya ako dahil maganda ang inilalaro namin dahil sa kanya,” ani Valdez.
Tumikada si three-time NCAA MVP Soltones ng 18 markers, lahat galing sa spikes para sa Water Defenders na nalasap ang unang talo sa dalawang laro.
Samantala, kinalos ng three-time champions Lady Warriors ang Banko-Perlas, 25-21, 22-25, 25-19, 27-25 sa unang laro.