Griffin kinadena ni Brown

Iginapos ni Jaylen Brown si Blake Griffin, at ipinatikim ng Boston ang unang talo ngayong season ng Detroit.

Habang binubulabog ang kamador ng Pistons, uminit din ang opensa ni Brown na nakapagsumite ng 19 points sa 109-89 win ng Celtics Sabado ng gabi.

Pagkatapos ng 4-0 start, natisod ang Detroit.

Nagdagdag si Marcus Morris ng 18 points para sa Boston.

Bago ang laro ay naga-average lang si Brown ng 8.6 points per game ngayong season, malayo sa 14.5 niya noong nakaraan.

“I wasn’t tripping,” ani Brown sa nakakapigang itinoka sa kanya ni coach Brad Stevens na bantayan si Griffin. “And I’ve guarded bigs before, especially my rookie year.”

Nabantayan na ni Brown si Griffin noong nasa Los Angeles Clippers pa, kaya may alam na siya sa galaw ng forward.

Sablay ang unang pitong bato ni Griffin kabilang ang apat mula 3-point range. Umiskor siya ng 7 points sa loob ng 30 minutes, 2 for 13 lang mula sa field.

Nagsumite ng 18 points at 8 rebounds si Andre Drummond sa Pistons, umiskor ng season-high 16 si Stanley Johnson.