Maituturing nang na-bypass ang appointment kay Senador Gringo Honasan bilang kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Ito, ayon kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, ay makaraang mabigong maisa­lang sa Commission on Appointments (CA) si Honasan bago mag-adjourn ang Kongreso noong Disyembre 14.

Sinabi ni Sotto na ang orihinal na plano ay isasalang na sa deliberasyon ng CA panel si Honasan noong Dis­yembre 12 subalit big­lang nagpatawag ng joint session para sa Martial Law extension.

“Eh kasi Dec 12 dapat isasalang si Sen. Honasan, last Wednesday of the year. Eh biglang natawag ang joint session, nasagasa­an si Sen Honasan. Bale na-bypass,” saad ni Sotto.

Nasa kamay na a­niya muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasya kung muling itatalaga si Honasan sa ahensiya.
“Na kay Presidente ngayon kung gusto nya i-appoint ng ad interim which means anytime now to January 13 or gusto nya talaga ng nomination sa January 14 pagbalik ng session,” dagdag pa ni Sotto.