Mga laro ngayon (Ynares Center, Antipolo)
4:15 p.m. — Blackwater vs. Rain or Shine
7:00 p.m. — Tropang TNT vs. Alaska

Nakabingwit ng malaking isda sa PBA Governors Cup ang Blackwater nang biktimahin ang Star, 100-98, noong isang linggo.

Sa unang game mamayang hapon sa dayo ng season-ending conference sa Ynares Center sa Antipolo, sasakyan ng Elite ni Leo Isaac ang momentum ng huling panalo laban sa astigin ding Rain or Shine.

Sa nightcap ay kakatagpuin ng Tropang TNT ang Alaska na sa ikalawang laro ngayong conference ay wala na namang Calvin Abueva sa lineup.

Nagpahinga si Abueva sa first game ng Aces, bumalik sa 109-100 overtime win nila kontra Ginebra noong Linggo at naglista ng 12 points, 10 rebounds.

Pero sa laro ring iyon, nabigyan ng one-game suspension at pinagmulta ng P22,000 ang Commissioner’s Cup Best Player of the Conference dahil sa paniniko sa mukha ni Chris Ellis ng Gin Kings.

Pero kahit wala ang The Beast, tiwala si Aces coach Alex Compton na reresponde ang iba niyang tauhan.

“We are a team and when one man goes down, others have to fill in for him and make the most of the opportunity,” aniya.

Aminado lang si Compton na mahihirapan sila dahil matibay ang TNT.

“We are playing against one of the best teams in the league without one of the best players in Calvin. It will be a big challenge for us on how we guard Jayson (Castro), (Mario) Little, Ranidel (de Ocampo), (Michael) Madanly, Ryan Reyes, Larry (Fonacier),” dagdag ni Compton. “You get the picture. It will be difficult to stop them.”