Ilang taon na ang nakakaraan, nagtagpo na sa mat sina taekwondo jins Kirstie Elaine Alora at Maria Espinoza ng Mexico.
Tinalo ng Mexican ang Filipina 2-1 sa unang match.
Sa Rio Olympics ngayon, muling magku-krus ang landas ng dalawa, bitbit ang bandera ng kani-kanilang bansa.
Sipaan ang magkaribal sa women’s 53-kilogram class. Alas-9:30 sa Maynila ang oras ng pagtutuos.
May igaganti ang 26-anyos na Filipina jin, kaya pinaghandaan niya ang muling paghaharap nila ni Espinoza.
Bago ang debut fight ni Alora sa Games, pinag-aralan niya ang galaw ng katapat. Dahil dati na silang nagbuno noon, alam na ng last Pinay standing sa Rio ang kalidad ng Mexican.
Si Espinoza ang gold medalist noong 2008 Beijing Olympics, 2007 World Championships gold medal winner din. Pero hindi natitinag ang coach ni Alora, si Roberto Cruz.
“They’ve fought once, right after the Beijing Olympics and the Mexican won 2-1,” ani Cruz. “Elaine can beat this Mexican.”
May mata si Cruz sa mga galaw ng atleta, dahil siya ang most bemedalled Filipino taekwondo jin.
Ilan sa ibinulsa niya ang tatlong silver at dalawang bronze sa Worlds, dalawang bronze sa World Cup, at gold-silver-bronze sa Asian championships. Limang beses siyang naghari sa finweight sa SEAG.
“Kaya ni Elaine,” pahabol ni Cruz, dinagdag na walang tigil ang training ng alaga kahit nang dumating sa Rio noong July.
Dagdag-inspirasyon ni Alora ang pagdating sa Rio ng mga magulang na galing Alaska, at kapatid na babaeng bumiyahe mula Maynila.
GoGoGo!! God bless you and have faith..