Kailan lang ay mahigpit kong pinaalalahanan ang lahat ng mga shopping mall sa lungsod ng Maynila na siguraduhing walang mga nakaw na cellphone na itinitinda sa anumang stall na matatagpuan sa loob ng kanilang establisimyento.
Gaya ng aking sinabi sa press conference na ginanap sa aking tanggapan, hindi ako mangingimi na ipasara ang anumang establisimyento o tindahan, maliit man o malaki, na mapapatunayang nagbebenta ng mga cellphone na kung tawagin sa kalye ay ‘GSM’ o galing sa magnanakaw. Akalain ninyo, sa sobrang talamak ng mga ganitong uri ng cellphone na ibinebenta sa kung saan-saan ay nagkaroon na ito ng sariling katawagan.
Bago niyan, iniulat sa akin ng Special Mayor’s Reaction Team (SMART) na pinamumunuan ni Maj. Jhun Ibay, na sa pakikipag-ugnayan ng kanyang grupo sa Bureau of Permits and Licensing ay nakadakip sila ng limang cellphone vendors sa 4th Floor ng Isetann Cinerama Complex sa C.M. Recto Avenue Manila, kung saan 148 piraso ng iba’t ibang branded smartphones ang nakumpiska.
Inaresto din nila ang isang negosyante sa Booth number 13, 3rd Floor, Tutuban Mall, Dagupan St., Tondo, Manila, bunsod ng reklamo ng service crew na si Gabriel Dela Cruz, 21. Ang siste, si Dela Cruz ay tinutukan ng patalim at hinoldap noong madaling-araw ng September 8, 2019 sa may kanto ng Maharlika at Herbosa Streets sa Tondo.
Nahuli ang holdupper na si Edwardo Rinon, 18, at sa pamamagitan niya ay na-locate ang cellphone ng biktima na ibinebenta na sa nasabing booth sa Tutuban Mall sa halagang P10,000, dahilan upang arestuhin ang may-ari nito. Bilang nagmamay-ari o operator ng isang mall, responsibilidad mo na tiyaking ligal ang operasyon ng mga nangungupahan sa iyo at gayundin, na hindi nakaw ang ibinebenta nila sa publiko. Bakit kanyo? Ito ay paglabag sa P.D. 1612 o Anti-Fencing Law na nagbabawal sa pagbili at pagbebenta ng anumang nakaw na bagay.
Sa parte naman ng mga mamimili, ang panawagan ko ay maging mapanuri naman sana kayo dahil hindi naman yayabong ang negosyo ng mga ‘fence’ na ito kung walang kostumer.
Kung kayo ay bibili ng cellphone, hanapin naman ninyo ang pruweba ng pag-aari para masigurong hindi galing sa iligal ang inyong binibili dahil maging kayo ay maaaring maharap sa parehong kaso kapag kayo ay bumili ng nakaw na cellphone o anumang bagay.
Isipin niyo sana, kung ilang tao ang nasaktan o maaaring nasugatan, binaril o sinaksak, habang kayo ay namimili sa hanay ng mga cellphone na ibinebenta sa inyo. Baka mamaya pa kamo, ang may-ari ng binibili ninyong cellphone ay pinatay pala, dahil hindi naman lingid sa atin na ang mga kriminal ngayon, handang pumatay sa oras na manlaban ang biktima.
Hindi rin natin maitatanggi na malamang sa hindi, ang mga nanakawan ng mga cellphone na ito ay taga-Maynila at ang insidente ay sa Maynila rin nangyari. Tapos, heto at sa Maynila rin ibinebenta at hindi pa patago ha. Hayagan dahil sa mall pa mismo.
Bago pa isipin ng Tutuban at Isetann na sila lang ang pinagsabihan, inanunsyo ko na din ang pagbibigay-babala sa iba pang mga malls na nagnenegosyo sa lungsod na alamin ang mga uri ng itinitinda sa kanilang mall dahil patuloy ang monitoring ng SMART at mga kaakibat na ahensiya nito sa pamahalaang-lungsod para matiyak na walang nakaw na cellphone na maibebenta saan mang dako ng Maynila.
Pati mga maliliit na tindahan at manininda sa bangketa na nagbebenta ng mga cellphone ay atin ding pinasisiyasat.
Wag n’yong sabihin na hindi ninyo alam. Ngayon, patatawarin ko pa kayo pero pagkatapos ng unang insidenteng ito ay wala nang ‘excuses.’ Babala sa lahat ng mall sa Maynila. Hanapin nyo ang ‘proof of ownership’ mula sa nagtitinda. Kapag wala, i-consider n’yong nakaw. Ganun lang kasimple.
Magsiyasat kayo ng mga pinapayagan n’yong mangupahan para magtinda ng second-hand cellphone. Ayokong may iiyak na tatay o nanay, nasaksak ang anak o namatay dahil inagawan ng cellfone.
Para na din mapanatili ang kapanatagan ng mga magulang, ‘yung source at outlet kung saan nakikinabang ang snatcher ng kanyang ninakaw ay ipasasara natin.
Alam kong marami ang nahirati sa kailigalan dahil hinayaan lamang sila nitong mga nakalipas na taon. May gobyerno na ngayon, gaya ng parati kong sinasabi at seryoso ako na protektahan ang mga mamamayang taga-Maynila. Hindi ako nagbibiro.
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. God first!
***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’