GUDBAY SI PAALAM

KUALA LUMPUR — Abante sina Mario Fernandez at Charly Suarez pero nasipa na si Carlo Paalam sa men’s boxing competitions ng 29th Southeast Asian Games sa MITEC Hall 8.

Biyahe sa semifinals si Fernandez sa bisa ng unanimous decision victory kay Tran Phu Cuong ng Vietnam sa bantamweight.

Dinomina sa parehong unanimous decision din ni Suarez si Khir Akyaz­lan Azmi ng Malaysia sa light welter.

“Nag-concentrate po ako talaga sa laban kasi baka mangyari ang ka­tulad kay Carlo,” ani Suarez.

Nasipa na si Paalam nang dominahin ni Muhammad Fuad ng Malaysia sa light flyweight class.

First round pa lang ay hindi na pinaporma ni Suarez ang maskuladong Malaysian at sa third ay pinaulanan ng body punches bago kumonekta ng cross sa three-punch combination dahilan para bigyan ng re­feree ng standing eight count.

“Akala ko hindi bi­bilangan eh,” dagdag ni Suarez.

Dalawang panalo pa ang kailangan ni Fernandez para masikwat ang pangatlong sunod niyang gold sa Games.

“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon at binibigyan po Niya kami ng magandang kondisyon,” wika ni Fernandez.

Bukod kina Suarez at Fernandez, nasa semis na rin sina flyweight Ian Clark Bautista, middleweight Eumir Felix Marcial.