Linggo ng hapon sa Robinsons Place-Manila, nanggulat ang NLEX nang tawagin ni coach Yeng Guiao ang pangalan ni Paul Desiderio bilang No. 4 pick overall ng Road Warriors sa PBA Draft.

Makalipas ang dalawang picks, muling pumili ang NLEX sa No. 7 at kinuha naman si Abu Tratter.

“’Yung move naman namin na ‘yun is double purpose. We have something in mind which we feel is going to address our lack of big man. Me­ron kaming possibility na makakuha kami ng big man with Paul and Abu,” lahad ni Guiao.
Bago pa ang Draft ay may ugong nang iti-trade ng Road Warriors ang first-round picks sa Blackwater, kapalit ni Poy Erram.

Hindi pinayagan ni PBA commissioner Willie Marcial ang trade sa mismong draft day, tapusin daw muna ang procee­dings at iginiit na kaila­ngang himaying mabuti ng five-man committee ang bawat deals.

Lunes ay inaasahang nakarating na sa tanggapan ni Marcial ang trade papers.

Pagkatapos ng draft, isinama ni Guiao ang dalawa sa isang dinner at kinausap.

Sa kabilang banda, sa Asian Games pa lang noong August ay nakiki­pag-usap na raw sa NLEX ang Blackwater para sa isang trade na magdadala kay Erram sa Road Warriors. Impressed si Guiao sa inilaro ni Erram sa National team, mukhang nakita niya ang big man na hinahanap para sa NLEX.

Umaga pa lang bago ang draft, may kasunduan na ang NLEX at Blackwater para kay Erram.

Hindi pa nag-iinit sina Desiderio at Tratter sa NLEX, nakalinya na silang tumawid.

Pero siniguro ni Guiao na kung hindi matutuloy ang trade, kukunin niya ang dalawa.

“If the trade does not happen, we would have two great players to join us,” ani Guiao kina Desiderio at Tratter. “And if it does push through, then we will battle each other. But either way, we are happy for you because you are assured of having a team in the PBA.”

Kahapon ay naki-praktis pa si Desiderio sa NLEX, suot ang kanyang UP Fighting Maroons jersey. (Vladi Eduarte