Guiao pahihinugin muna si Kai

ISA si Kai Sotto sa inaabangang atleta mula sa bansa na gumagawa na ng marka sa internatio­nal scene.

Ngunit gayunpaman, hindi pa rin mamadaliin ni Team Pilipinas head coach Yeng Guiao ang pagpapahinog ng 16-anyos.

Papalapit na ang pakikipagtagisan ng Pilipinas sa mga bigating koponan sa buong mundo sa 2019 FIBA World Cup, simula Agosto ngayong taon ay haharapin ang mga top-ranked team tulad ng Serbia, Italy at Angola.

Hindi kaila na salat sa tangkad ang mga Pinoy pagdating sa basketball, posibleng mga 7-footer ang makaharap tulad nina Philadelphia 76ers giant Boban Marjanovic at Denver Nuggets star Nikola Jokic.

At kahit bagito pa si Kai, sa tangkad na 7-foot-3 ay paniguradong makakatulong ito para matapatan ang ilang higante sa World Cup, ngunit para kay Guiao, mas makabubuti para sa binata ang maghasa pa bago sumabak kasama ang mga kuya.

Sa ngayon bilang pagsasakatuparan ng NBA dream, pinili ni Sotto na lisanin ang Pilipinas at magsanay abroad, na sinimulan na ang ensayo sa Atlanta para patuloy pang ma-improve ang kanyang laro. Bukod pa dito, inaasahan din na sasabak si Kai sa 2019 FIBA Under-19 World Cup sa Heraklion, Greece sa parating na Hunyo. (Ray Mark Patriarca)