Humarurot ng tig-14 points sina Joseph Ronald Quiñahan at Pedrito Galanza sa mainit na simula ng NLEX na sumiklab pa sa pagpapalayas kay coach Joseller Guiao sa second quarter upang araruhin ang Alaska Milk, 91-70, Miyerkoles ng gabi sa PBA Philippine Cup elims sa Smart Araneta Coliseum.

Nadalawahang sunod na technical foul ang mainiting si Guiao, magsi-60 sa Marso 19, halos limang minuto pa bago mag-halftime dahil sa reklamo sa officiating ng mga referee.

Pero hindi naging sagwil sa kanyang mga alipores ang bagay dahil nasustena ng Road Warriors ang maangas na simula tungo sa pagbalikwas sa kambal na dagok.

Sa akyat sa 3-5 para buhulan sa ikasiyam na posisyon ang utol na Meralco, suminghap pa ang paghahabol ng mga bata ni Guiao sa quarterfinals. Pero kailangang mawalis pa ang natitirang tatlong asignatura.

“Hindi natin mapigilan si coach Yeng, Nagtitimpi na talaga siya noong unang quarter pa lang. We cannot control him kasi meron din talaga siyang dahilan,” bigkas ni NLEX assistant coach Jojo Lastimosa. “We gain another lease of life with the win. Hopefully we can continue with it.”