Pati pato’t panggulo, ibubuhos na ng Team Pilipinas sa unang laro sa 18th FIBA World Cup 2019 sa China.
Italy ang buwenamanong makakatapat ng Filipinos sa Aug. 31 sa Foshan, base sa inilabas na iskedyul ng International Basketball Federation.
Ayon kay coach Yeng Guiao, maganda rin na Italians na agad ang unang makakatapat ng Pinoy cagers para sa unang salang ay ibubuhos na agad ng Nationals ang lakas.
Kailangan aniya, 100 percent ready na ang mga Pilipino sa umpisa pa lang ng torneo.
“There is no such thing as getting warmed up, getting your rhythm, getting your momentum,” pahayag ni Guiao. “It’s a one-time deal, and we better be ready on August 31.”
Salpukan din agad sa opening day ang Angola at Serbia, mga ka-bracket ng Philippine squad at Italy sa Group D.
Pahinga ng isang araw ang Filipinos bago harapin ang world No. 4 Serbia, tinalo ng USA sa gold medal match noong 2014 sa Spain.
Tatapusin ng ‘Pinas ang kampanya sa first round kontra Angola sa Sept. 4. (Vladi Eduarte)