Guiao, Road Warriors hindi bibitaw

Magpakatibay sa pagkapit sa pinag-aagawang ikawalo at huling puwesto sa quarterfinals ang hangad ng NLEX Road Warriors sa pagsagupa nito sa nanganganib at tuluyang mapatalsik na Blackwater Elite sa sagupaan ngayong Linggo ng hapon sa krusyal na yugto ng eliminasyon ng 2019 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.

Pilit na susundan ng Road Warriors na masungkit ang ikalawang­ sunod na panalo sa pagsagupa nito sa Elite sa unang salpukan ganap na alas-4:30 nang hapon bago ang engkuwento sa pagitan ng magkapatid na Barangay Ginebra at 2018 Governors Cup champion Magnolia Hotshots sa ganap na alas-7 ng gabi.

Napanatiling buhay ng Road Warriors ang tsansa sa susunod na labanan sa pagkolekta sa kabuuang 3-5 panalo-talong karta sa pag-okupa sa pinag-aagawang ikawalo at huling puwestong kailangan sa quarterfinals matapos huling biguin ang Alaska Aces 91-70.

Puwersado naman ipanalo ng naghihingalo at posibleng tuluyang mapatalsik na Elite na nasa ika-12 puwesto sa tangan nitong 2-7 panalo-talong record ang huli nitong dalawang laro habang aasa na mabigo ang ibang karibal upang magkaroon ng pagkakataon na makaagaw ng silya.

“Mahirap na maabot iyung iba kaya siguro pinakamagandang puwesto ang target namin,” sabi lamang ni NLEX coach Yeng Guiao, na umaasang makakatikim ng pantay na officiating matapos itong mapatalsik sa kanilang huling laro sa ikalawang yugto dahil sa dalawang technical foul.