Guiao, Team PH, aligaga dinedma sa tune-up

Isa sa problema ni coach Yeng Guiao ay ang kawalan ng matinding tune-up game na sasabakan ng Team Pilipinas bago sumagupa sa final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Sa Feb. 21 (vs. Qatar) at Feb. 24 (vs. Kazakhstan) na ang bakbakan, hindi pa natatasahan ni Guiao ang Nationals sa totoong laro.

Puro scrimmages lang ang team, si natura­lized Andray Blatche ay nakikiensayo rin sa NLEX at Rain or Shine.

Mula Feb. 1 ay 10 araw lang sa bansa si Blatche kaya sinusulit para magamay ang sistema ni Guiao. Sa Feb. 11 ay babalik siya ng China, mula roon ay didiretso na ng Qatar para samahan ang Nationals.

Hindi natuloy ang tune-up game sana ng Team Pilipinas sa ASEAN Basketball League champion Alab Pilipinas noong Martes, kaya balik sa scrimmage ang Nationals, sila-sila muli.

“I’m very concerned because can you imagine, the only time we’ll see them compete is in the game itself,” pahayag ni Guiao.

Do-or-die ang Pilipinas sa final window, kaila­ngang manalo para magkaroon ng tsansang humabol sa World Cup sa China sa August.