Guiao, Team Pilipinas may leksyon vs Jordan

Kung may isang natutunan ang Team Pilipinas sa dalawang scrimmage kontra Jordan, ‘yun ang physical play na iba sa PBA.

Dalawang beses hinarap ng ­Nationals ang Jordan nitong Lunes at Miyerkoles sa Meralco gym, bahagi ng paghahanda sa fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Sa huling laro, naiwan ng hanggang 19 sa second quarter ang Filipinos.

Maliban kina cadets Ricci Rivero at Kai Sotto, puro PBA players ang nasa pool ni Guiao na nasanay sa tawagan sa pros.

“It’s going to be a lesson for us in terms of physicality,” ani Guiao. “Kasi iniisip ng mga player ‘yung PBA fouls. You have to make mental adjustment that PBA fouls are not the same as international fouls.”

Dalawang home games ang nakalinya sa Pilipinas – kontra Kazakhstan sa Nob. 30 at laban sa Iran sa Dis. 3, parehong sa MOA Arena.