Positibo pa rin si coach Yeng Guiao na mailalabas ng Natio­nals ang tunay na laro sa dalawang krusyal na laban ng penultimate window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Parehong home games ang susunod na salang ng Team Pilipinas – kontra Kazakhstan sa Nov. 30, at laban sa Iran sa Dec. 3 sa MOA Arena.

Isa lang ang naipanalo ng Filipinos sa apat na tune-up games bago ang FIBA joust, 1-1 sa Jordan at 0-2 kontra Lebanon.

Dalawa sa inaasahan ni Guiao na lalabas ang tunay na laro kapag kinakailangan na ay sina June Mar Fajardo at Jayson Castro.

Hindi masyadong nakapag-deliver ang dalawang Gilas vete­rans, lalo sa 74-68 loss sa Lebanese noong Biyernes nang magsumite lang si Fajardo ng 9 points samantalang bokya si Castro.

“I think June Mar Fajar­do and Jayson Castro can play better than that,” giit ng national coach.

Naging 19 na lang ang dating 20-man pool ng Team Pilipinas sa pag-atras ni Ian Sangalang na may iniindang pana­nakit ng tuhod at paa.

Sa bisperas ng laro kontra Kazakhs na ihahayag ni Guiao ang kanyang final 12, pati ang gagamiting natura­lized player kina Christian Standhardinger at Stanley Pringle.