Dumayo sa bansa ang 3-time Guinness world record-holder for endurance na si Ian Adamson para sa 10-araw na pagbisita sa bansa upang pagtibayin ang pagsasamahan ng pinamumunuan na Obstacle Sports sa national sports associations sa Pilipinas at relasyon sa Philippine Olympic Committee (POC).

Si Adamson ang pangulo ng International Fede­ration on Obstacle Course Race (OCR/Obstacle Sports), pati na Federation Internationale de Sports d’ Obstacles (FISO) o World OCR.

Unang nagtungo si Adamson para magbigay ng isang courtesy call kay POC President Ricky Vargas at sa iba pang mga opisyales sa Pasig City kahapon.

Sinamahan ito ni POC General Counsel Al Agra, na siya namang pangulo ng Pilipinas Obstacle Sports Federation (POSF), ang kinikilala ng POC na NSA para sa Obstacle Sports at OCR Asia at treasurer din ng FISO/World OCR.

Si Adamson ang kinikilala na pinakamatagumpay na adventure athlete sa kasalukuyan sa nakamit nito na panalo sa 10 World Championships.