Gulay ayuda ng Parañaque sa mga residente

Halos dalawang libong kabahayan ang nabiyayaan ng mga sariwang gulay, bigas at mga de-lata na ipinamahagi Parañaque City kahapon.

Nagpaabot naman ng kanilang pasasalamat ang Vegetable Cooperative sa lalawigan ng Batangas kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez dahil sa ginawang pamamakyaw ng pamahalaang lungsod sa kanilang mga produkto na kabilang sa mga ipinamahagi sa mga maralitang pamilya ng lungsod na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).

“Hindi lang dapat puro can goods ang kinakain ng mga tao ngayong panahon ng crisis dapat healthy diet din para malakas ang resistensiya para maiwsan ang COVID-19 virus,” ayon kay Olivarez.

Sinabi ni City Treasurer Dr. Anthony Pulmano na kabilang sa mga tinanggap na mga sariwang gulay ng mga mahihirap na pamilya ang talong, sitaw, kalabasa at iba pa na kasama sa ikatlong buhos ng ginagawang pamamahagi ng lokal na pamahalaan na nagsimula noong Marso 16.

Tiniyak naman ni Pulmano na sa ika-apat na buhos na gagawing pamamahagi ng pamahalaang lungsod ng food pack sa susunod na linggo, mapapabilang na ang pamimigay ng asukal sa mga mahihirap na pamilya dahil naglaan na sila ng pondo para sa pagbili ng 100,000 kilo ng asukal.

Hinimok din niya ang mga residente ng lungsod na magtanim ng gulay sa kanilang paligid ang mamamayan hindi lang ngayon may krisis kundi kahit pa matapos ang ECQ. (Edison Reyes)