RAMDAM na rin ang dobleng pagtaas sa presyo ng ilang pangunahing bilihin tulad ng gulay at isda dahil sa epekto ng naranasang malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan.

Sa kabila ng pinagbawal ng Department of Trade and Industry (DTI) na bawal magtaas ng presyo ng mga bilihin habang nakadeklara ang state of calamity sa buong lalawigan, patuloy pa rin ang pagtaas ng mga bilihin sa Cagayan.

Ayon kay Philippine Statistics Authority-Cagayan (PSA-Cag) officer Encarnacion Ricera, ang pagtaas ng bilihin ng mga pangunahing bilihin ay resulta umano ng mala­king pinsalang iniwan ng bagyo at amihan sa lalawigan at sa papalapit na Pasko na nangangahulugan ng mataas na demand.

Sinabi ni Ricera, sa price moni­toring ng PSA-Cag, tumaas ng 50% ang presyo ng mga sari-sa­ring gulay na pangpakbet na nag­lalaro hanggang P120 mula sa da­ting P60.

Sinabi ng PSA-Cag, ayon sa mga nagtitinda ay maraming nasalantang taniman ng gulay kaya nagmahal ang kanilang bili mula sa kanilang supplier sa Isabela at Pangasinan.

Apektado rin ng malawakang pagbaha ang mga isda sa lalawigan kung kaya bahagyang tumaas ang presyo nito na inaangkat pa sa Navotas, Metro Manila.
Wala namang paggalaw sa presyo ng mga karne tulad ng manok, baboy, kalabaw at baka.

Aniya, posibleng magtatagal ang pagtaas ng presyo ng mga gulay at isda hanggang sa susunod na taon. (Allan Bergonia)