Gulo sa Dasma Village imbestigahan – Mayor Binay

Inatasan na ni Makati City Mayor Abby Binay ang pulisya na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa napaulat na insidente sa Dasmariñas Village na kinasasangkutan ng isang pulis at residente ng naturang pribadong subdivision na nag-viral sa social media.

Sa kanyang utos, sinabi ng alkalde na kailangang sampahan ng kaukulang kaso kung sino man ang may kasalanan sa oras na magkaroon na ng resulta sa imbestigasyon lalo na’t kinakailangan ang mahigpit na pagpapatupad ng batas sa ilalim ng umiiral deklarasyon ng public health emergency upang ma-protektahan ang kaligtasan at kapakanan ng sinuman.

Nauna rito, nag-viral ang dalawang magkahiwalay na video sa nangyaring insidente noong Linggo ng alas-5:54 ng hapon kung saan unang nakita ang ginawang pagdakip ng pulis kay Javier Salvador Parra sa harap ng kanyang bahay at pilit pinoposasan habang nakadapa.

Gayunman, sa ikalawang video, ipinakita ang pagiging maangas na panunuya ni Parra sa pulis na wala pang suot na damit pang-itaas at wala ring face mask sa harapan ng kanyang bahay habang pilit na pinapalayas ang pulis na nananatiling kalmado at hinimok na sa barangay na lamang sila magpaliwanagan.

Ilang minuto ring pinapayapa ng isang pulis na nakilalang si P/SMSgt. Roland Von Madrona si Parra sa pagwawala at maririnig pa ang paghingi ng dispensa ng kanyang asawang si Abigail Salvador habang pilit na pinapapasok ang mister sa loob ng kanilang tirahan.

Nag-ugat ang insidente matapos pumasok sa loob ng naturang village si Madrona, kasama ang isang Bantay Bayan na si Esteban Gaan ng Dasmarinas Village dahil na rin sa kahilingan ng punong barangay na si Chairwoman Rosanna Hwang na regular na magsagawa ng ‘Oplan Bandillo’ sa naturang village upang matiyak na natutupad ang enhanced community quarantine (ECQ)

Dito na namataan ng dalawa ang kasambahay ni Parra na si Cherilyn Escalate na nagdidilig ng halaman ng walang suot na face mask kaya’t pinagsabihan siya na magsuot ng face mask para na rin sa kanyang kaligtasan.

Pumasok sa loob si Escalate upang magsuot ng face mask subalit bigla na lamang lumabas ng naturang bahay si Parra at asawang si Abigail at kinompronta ang pulis para sa wastong pagpapatupad ng ECQ.

Dito na sinimulan ni Gaan na kuhanan ng video ang insidente sa kanyang mobile phone na naging dahilan upang lalong magwala si Parra at pilit na pinapalayas sa harap ng kanyang bahay ang pulis.

Napag-alaman na tinangkang arestuhin ni Sgt. Madrona si Parra dahil hindi maawat sa pagwawala subalit hinayaan na lamang niya kalaunan na makapasok sa kanilang bahay matapos sabihin ng asawa nito na may iniindang karamdaman sa sa likod ang mister.

Sa ulat naman ng Makati City Police, sasampahan umano nila ng reklamong paglabag sa RA 151 o Disobedience to a Lawful Person in Authority, unjust vexation, direct assault, RA 11332 o State of Public Health Emergency at Makati City Ordinance 2000-089 o Not wearing Face Mask, si Parra sa piskalya ng Makati habang RA 1132 at paglabag sa City Ordinance din ang isasampa laban naman sa kanyang kasambahay na si Cheilyn Escalate. (Edison Reyes)