Gulo sa karate: Lea Salonga sumawsaw

Humalo si world-renowned singer at actress Lea Salonga sa alingasngas na sumingaw sa Karate Pilipinas Sport Federation, Inc. eksaktong isang linggo na lang bago magbukas sa bansa ang 30th Southeast Asian Games 2019.

Kinampihan ni Salonga si 2017 Malaysia SEA Games men’s kata individual bronze winner Orencio James ‘OJ’ delos Santos na tinanggal sa PH SEAG lineup ni KPSFI president Richard Lim.

“Won’t be surprised if James decides to represent another country. Sigh,” tweet ng bantog na mang-aawit at aktres sa @MsLeaSalonga sa nangyari kay Delos Santos para sa nalalapit na SEA Games sa Novyembre 30-Disyembre 11.

Pero giniit ni Lim na ang pagkabaklas ni Delos Santos, isang 11-year PH squad veteran, ang sa kabiguan nitong ‘di makapasa sa limang SEAG qualifying tournament na tinakda ng pederasyon.

Unang nakisampatya kay Delos Santos si national player Junna Tsukii na inalmahan si Lim sa umano’y pananakot nito sa kanilang mga karatis­ta.
Ang pahaging ni Lea kay Lim ay tinulad niya sa nangyaring paglayas sa bansa ni chess Grandmaster Wesley So na nasa Estados Unidos.

Napulika rin si So nina dating Philippine Olympic Committee president Jose Cojuangco Jr. at former Philippine Sports Commission chairman Ricardo Garcia sa pagkakait sa kanya ng P1M insentibo sa pagkopo ng medalyang ginto sa 2013 Kazan Universiade.

Sa buwisit ni So, nasa US na siya ngayon at nag-world Fischer random champion na sa taong ito.