Gumagalang ‘demonyo’ sa Caloocan napuruhan

Patay ang isang kilabot na drug pusher nang barilin ito ng undercover agent dahil sa pakikipagratratan ng una sa ikinasang buy-bust operation sa Caloocan City kahapon nang madaling-araw.

Sa ulat kay Chief P/Col. Restituto Arcangel, kinilala lamang sa alyas na ‘Ian Demonyo’ ang napatay na suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ala-una ng madaling-araw nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police sa pamumuno ni Major Raymond Nicolas sa Phase 7A- Package 10, Block 15, Brgy. 176, Bagong Silang Caloocan City.

Target ni Major Nicolas si ‘Ian Demonyo’ na kilalang tulak sa lugar.

“Almost two weeks din na under surveillance namin itong suspek base na rin sa sumbong ng mga concerned citizen,” sabi ni Major Nicolas.

Natunugan ng suspek na ang kanyang katransaksyon ay isang undercover pulis kaya agad itong nagpaputok na nailagan ng pulis kaya nang gumanti ng putok ang mga kasamahan ni Major Nicolas ay napuruhan ang suspek. ­(Orlan Linde)