Gumagana ang propaganda ng mga terorista

Letter To The Editor

Dear Sir:

Nakikipaglaro ng tagu-taguan itong si Isnilon Hapilon. Pinapalabas pa nila ngayon bilang propaganda na nakatakas na ito sa winasak nilang bayan ng Marawi. Nagpahayag naman si Sec. Delfin Lorenzana na ayon sa intelligence report nagtatago umano itong tinaguriang Emir ng ISIS sa Asya.

May sa pusa kung magtago itong si Hapilon. Napabalita na rin na ang mga miyembro ng Maute terror group na nais sumuko sa awtoridad ay pinapapatay niya. Sa aking pananaw naniniwala akong hindi Islam ang relihiyon ng mga teroristang ito at tunay silang mga alagad ng diyablo. Palibhasa alam nilang hindi gagalawin ng mga sundalo ang Mosque dahil sa pagrespeto sa relihiyon ng mga Muslim, ito ang ginawa nilang lunga. Dito na rin nila isinasagawa ang pang­hahalay sa mga kababaihan na sa kanilang paniniwala ay magiging paraan upang mas mapalapit ­sila kay Allah, bagay na nakapaloob sa teolohhiya ng ISIS na kanilang iniidolo. Dinaig pa sila ng mga sundalo na rumerespeto sa Mosque, ginawa na rin nilang taguan ng mga nakaw nilang yaman ang banal na sambahan ng ating mga kapatid na Muslim.

DANA DEL ROSARIO
Camarines Norte