Gumala, nakakita ng mga multo sa kalsada

Mga ka-Misteryo laging mag-ingat sa biyahe lalo na at hindi mo alam kung ano ang makikita mo sa kalsadang dinaraanan mo.

‘Yan ang ating paksa ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Nakagawian nang mag-joyride lalo na kapag Kapaskuhan sa Metro Manila at karatig lugar sina Joey at Terry nang magawi sila sa Fairview papuntang Bulacan.

Si Terry ay clairvoyant kaya madami siyang nakikitang mga gumagalang kaluluwa sa kanilang dinaraanan lalona sa gabi.

Noong una ay ayaw paniwalaan ni Joey ang nakikita ni Terry pero kalaunan ay nasanay na siya tuwing sila ay gumagala.

Inusisa ng #TeamMisteryo kung ano ang nakita ni Terry nang sumangguni si Joey.

Team Misteryo: “Ano ‘yung huling beses na may mga nakita si Terry nang mag-joyride kayo Joey?”

Joey: “Nitong Sabado lamang nagulat na ako nang biglang humiyaw si Terry habang pabalik kami ng Maynila.”

Team Misteryo: “Bakit siya humiyaw? Anong nakita niya?”

Joey: “Nakakita siya ng elemento na may malaking bibig pero nag-iisa ang mata at may mahabang buhok sa isang kakahuyan sa gilid ng aming dinaanan.”

Team Misteryo: “Anong mga nakita niya sabi mo kasi mara­ming nakita si Terry?”

Joey: “Sa kabuuan ng biyahe namin marami siyang nakitang mga kaluluwa na biglang tumatawid sa kalsada. Tulad ng nakaitim na matandang babaeng kuba na lubos niyang ikinatakot. Muntik na kaming mabangga nun dahil biglaan ang pagtawid at nagpakita.”

Team Misteryo: “Hindi naman ba kayo ginambala ng babaeng kuba, baka lumingon pa sa kanya?

Joey: “Mabilis na lumagpas sa amin bago pa kami nakadaan tapos meron pang kaluluwa ng pusa na biglang litaw sa kalsada kaya’t iniwasan namin na akala ko ay totoong pusa.”

Team Misteryo: “Wala ba kayong natiyempuhan na white lady?”

Joey: “Karaniwan na ‘yung white lady kahit saan meron niyan pero halos hindi na namin napapansin at alam ko naman kung multo o totong tao na dapat talaga iwasan.”

Kayo baka may mga nakikita kayong mga multo o espiritu sa daan. Lagi lang mag-ingat.

***

Para sa inyong mga kuwentong karanasan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.