Gumalaw na naman ang presyo ng langis

Sumirit na naman nga ang halaga ng mga produktong petrolyo. Sobrang bad news ito para sa publiko.

Dahil pang-ilang beses na rin itong oil price hike sa taong ito, asahang gagalaw na rin ang presyo ng iba pang pangunahing produkto.

Iyon ay kung hindi gagawa ng kinakailangang mga hakbang ang pamahalaan para hindi lumatay sa presyo ng basic goods ang sunod-sunod na namang taas-presyo ng langis sa bansa.

Napakahalaga na ngayon pa lamang ay nagkukuwenta na ang mga ekonomista ng administrasyong Duterte para mapag-aralan at agad malapatan ng hakbang upang mapagaan ang latay ng serye ng oil price hikes na siguradong madudugtungan pa.

May proyekto ang Department of Agriculture (DA), katuwang pa yata ang Department of Trade and Industry (DTI), na murang palengke pero sa bakuran lang ng mga ahensyang ito.

Sasadyain pa ng mga mamimili at sa napakasamang kondisyon ng traniko, malabo talagang tangkilikin ito ng mga nasa malalayong lugar.

Sa pamilihang ito na puwede ring tawaging food caravan, ibinabagsak ang mga lokal na ani mula sa iba’t ibang produkto. Farm gate daw ang presyo ng mga produkto kaya sobra talagang mura at sariwa pa.

Pero isa lang ito o dalawa at napakalaki ng volume ng konsumer ng Metro Manila para maabot sila ng ganitong uri ng food caravan.

Mahusay ang programa pero hindi sapat.

Ang hiling ng mga konsumer ay makaabot ito sa mga malalaking palengke at lakihan pa ang volume ng produkto para makasapat sa tao.

Kailangan na ngayon ang mga hakbang para maawat ang nangangamoy na namang parusang inflation rate.