Gumanti ng kamatayan

Paghihinganti ang nakikitang motibo ng mga awtoridad sa pagpatay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa isang 30-anyos na lalaki rin, pinagbabaril ng una matapos lamang umano nitong paghahampasin ng bakal sa ulo ang isang matandang babae sa Lungsod ng Navotas kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Navotas City Police partikular na ni PInsp. Jesus Sagisi ay ganap umanong alas-5:40 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Block 2, Area I, Dalagang Bukid, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabi ring lungsod.

Naglalakad umano noon ang biktimang si Allan Soleda, 30-anyos ng Labahita Street, Brgy. Longos, Malabon nang harangin ng nag-iisang suspek at walang habas na pagbabarilin sa ulo at iba pang bahagi ng kanyang katawan matapos ang insidente ay mabilis ding tumakas ang salarin patungo sa hindi na nalaman pang direksiyon.

Nagawa pang maisugod sa Tondo Medical Center si Soleda ngunit hindi na rin pinalad pang mabuhay at nasawi habang nilalapatan ng lunas sa nasabing pagamutan.

Bago ang insidente ilang minuto lang umano ang nakakalipas ay napag-alamang pwersa­han umanong pinasok ng biktima ang pamamahay ng isang matandang babaeng nakilalang si Cre­sencia Penesa, 62-anyos sa Block 2, Lot 44 ng nasabi ring lugar.

Walang ano-anong pinaghahampas umano ni Soleda ang matanda sa ulo nito gamit ang isang steel bar sa hindi pa nalalamang dahilan, agad namang naisugod ang matanda sa Jose Reyes Memorial Center na sa ngayon ay nasa kritikal na kundisyon.

Agad ding tumakas si Soledo at habang nagla­lakad sa lugar kung saan siya tinambangan ay hindi niya namalayang may sumusunod pala sa kanyang isang lalaki na siyang suspek sa pamamaril sa kanya na kasalukuyan nang pinaghahanap sa ngayon.

Na-recover naman ng Scene of the Crime Ope­ration (SOCO) sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang ilang mga empty shells na agad ding isi­numite sa PNP Crime Laboratory upang sumailalim sa ballistic examination.