Atty. Claire Castro
Good afternoon Attorney Claire,
Nabasa ko ang ilan sa mga comment and advice ninyo sa internet. Gusto ko po sanang mag-inquire kung ano po ang dapat kong gawin.
Ako po ay buntis. Ako po ay nakatakdang manganak sa susunod na buwan. Hindi po kami kasal ng kinakasama ko na siyang ama ng aking isisilang na bata. Siya po ay kasal sa dati niyang asawa at sila ay hiwalay na. Ngunit sa kasalukuyan ay nagtatrabaho sa abroad.
Hindi po niya mapipirmahan ang acknowledgment sa likod ng birth certificate ng bata kung sakaling manganak na ako. Gusto po niya kasing isunod sa apelyido niya ang bata. Ano po ang dapat kong gawin para maisunod sa kanyang apelyido?
Ako po ay umaasa sa inyong pagtugon at nagpapasalamat ng marami.
Gumagalang,
Mary
Ms. Mary,
Kung nasa ibang bansa ang tatay ng anak mo at nais niyang maipangalan ang bata sa kanya ay gumawa lamang siya ng affidavit of acknowledgment na kinikilala niya na anak niya ang bata at samahan na rin niya ng Affidavit to Use the Surname of the Father at ipa-consularized niya sa Philippine Embassy o Office of the the Philippine Consul at ipadala niya sa iyo para masala mo sa hospital at sa doctor mo para kapag gumawa ng birth certificate ay mailagay na siya ang father at mailagay sa apelyido niya.
Dapat din na gumawa ka na affidavit ng iyong pagsang-ayon na gamitin ng bata ang apelyido ng tatay.
Hindi naman kailangan na mapirmahan ng tatay ang acknowledgment sa likuran ng birth certificate dahil sa wala siya sa Pilipinas pero ang paggawa ng Affidavit of Acknowledgment ay katumbas na rin ng pagpirma sa likuran ng birth certificate.
Dapat lang masumite o ma-submit mo iyan sa ospital para mailagay at mai-report ito. Sabihin mo sa tatay ng anak mo na mas mainam na dalawang kopya ang ipagawa niya para ang isang original ay sa ospital at ang isa ay maiwan sa iyo.
Congratulations at hangga’t maaari ay makipag-ugnayan sa iyong doktor tungkol sa planong ito para hindi sila mabigla sa araw ng panganganak mo.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.