RIZAL, Nueva Ecija — Isang hinihinalaang miyembro ng notoryosong gun-for-hire at robbery-holdup gang ang nasakote ng kagawad ng Criminal Investigation and Detection Group at pulis Nueva Ecija kamakailan.

Kinilala ni P/Sr. Supt. Antonio C. Yarra, NE police director ang naaresto na si Salvador Remigio, alias ‘Badong’ at ‘Vandamme’, residente ng Brgy. Calaocan.

Ayon kay Yarra, armado ang mga pulis ng search warrant sa paglabag ng Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na inisyu ni Judge Ana Marie C. Joson-Viterbo ng Cabanatuan City Regional Trial Court Branch 24 at arrest warrant sa kasong attempted murder na inisyu ni Judge Trese D. Wenceslao ng Cabanatuan City RTC Branch 28 na may rekomendadong piyansang P120,000.

Nakunan si Remigio ng isang caliber .45 pistol na may magazine na naglalaman ng siyam na bala.

Itinuturo na miyembro umano si Remigio ng Quinto Group na nag-o-operate sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Tarlac, Pangasinan hanggang La Union.